ANG DALAGA'T ANG BINATILYO
by Alberto Florentino
**************************************************
Ang lihim na pag-iibigan nina
Pepe Rizal at Segunda Katigbak
Isinadula ni Alberto Florentino
batay sa "Memorias de un Estudiante"*
na sinulat ni Jose Rizal
© Karapatang-ari 2000 ni Alberto Florentino
Ang Eksena:
Ang kalsada patungong Batangas. Makikita sa malayo ang isang binatilyo na nakasakay sa puting kabayo.
Tinig ng Taga-salaysay:
Noong kanyang kabataan, mula 1878 hanggang 1881, sumulat si Jose Rizal ng isang talambuhay, "Memorias de un Estudiante," tungkol sa kanyang buhay bilang isang mag-aaral sa Ateneo de Manila sa Intramuros, Maynila. Ginamit niya ang sagisag na "P. Jacinto."
Ang sumusunod na madulaing tagpo na tawagin nating "isang dagli," na pinamagatang "Ang Dalagita't ang Binatilyo," kinatha ni Alberto Florentino batay sa nasabing talambuhay. Ang dula ay tungkol sa samandaling pakikipag-kaibigan at pakikipag-ibigan ng binatilyong si Pepe Rizal at dalagitang si Segunda Katigbak.
Unang itinanghal itong maikling dula noong 1970s sa Rizal Park Open-Air Auditorium sa Luneta, sa direksiyon ng mandudula. Ang gumanap ay sina Ariosto Reyes sa papel na Pepe Rizal at Leila Florentino sa papel na Segunda Katigbak.
ANG DALAGITA'T ANG BINATILYO ni Alberto Florentino
Para kay Leila,
na siyang unang gumanap sa papel na Segunda
PANAHON: 1882
POOK: Sa harapan ng Colegio de Concordia sa Intramuros, Maynila
(Mangyayari ang eksena sa harapan ng Colegio de la Concordia sa Intramuros, Maynila, taong 1882. Sa likod, makikita ang iskwela. Isang maliit na glorietta na may iskayolang inuman ng mga kalapati. Isang bahay-kalapati at mga kalapati na naglisaw—nagliligawan, naghahabulan, naglalaro, at umiinum sa tubigan.)
(Si Pepe ay may 19 taong gulang at si Segunda, 16 o 17.)
(Si Segunda ay nakasuot ng isang saya na tinawag ngayong "Maria Clara." Papasok si Segunda na kasama ng ilan sa kanyang mga kaiskwela at kaibigan na nakasuot ng karaniwang uniporme ng kanila eskuwela.)
Kaibigan 1. Naku, Segunda, ang ganda mo kanina!
Segunda. Kanina lang? Eh ngayon?
Kaibigan 2. At ang ganda mong sumayaw!
Segunda. Siempre naman!
Kaibigan 3. At ang guwapo din ng iyong katambal!
(Isang sandali)
Kaibigan 1. O, ano, Segunda, balitaan mo naman kami.
Kaibigan 2. Oo nga naman. Kailan ba?
Kaibigan 3. Tuloy ba?
Kaibigan 4. At siya na bang talaga?
(Isang sandali)
Kaibigan 2. Hindi ka pa ba magpapalit ng suot?
Segunda. Hinihintay ko si Pepe …
Kaibigan 3. Si Pepe? Bakit hindi si—
Kaibigan 4. Huwag mong sabihing—
Segunda. Hoy, huwag nga kayong mag-umpisa ng sali-salita. Walang ibig sabihin ito.
Kaibigan 2. Bakit nga ba si Pepe Rizal?
Segunda. Nangako ako na matapos ang velada, iguguhit niya ang aking larawan habang naka-suot ako nito.
Kaibigan 3. Ang suwerte mo sa mga kalalakihan, Segunda …
Segunda. Kaya … pagdating niya, iwan n'yo 'ko, ha?
Kaibigan 4. Kung iyan ba'ng gusto mo e …
Segunda. Alam naman ninyo na masyado siyang mahiyain. O, ayan na siya!
Mga Kaibigan (lahat sila). O sige— … Aalis na kami … Basta lang imbitahin mo kaming lahat sa malaking piging!
Segunda. Adios!
(Mag-aalisan silang lahat. Bubuksan ni Segunda ang dalang supot na puno ng mais at palay. Isasabog niya ito at papakainin ang mga kalapati.)
(Papasok si Pepe na nakasuot ng uniporme ng mga estudianteng lalaki: puting "amerikana serrada" at sombrero. May dala siyang ilang pirasong papel at mga lapis o krayola. Sa kanyang pagdating, mabubulabog ang mga kalapati.)
(Ilalapag ni Pepe ang kanyang sombrero sa damo at maghahanda siya sa pag-guhit. Hindi siya mapalagay.)
Pepe. Siyanga pala, Segunda …
Segunda. Ano 'yon, Pepe?
Pepe. Binabati kita sa inyong sayaw kanina.
Segunda. Salamat naman …
(Isang sandali)
Segunda. Matagal ba ito, Pepe?
Pepe. Hindi naman …
Segunda. Kasi … mainit itong suot ko. Ayaw mo ba ako iguhit sa aking uniporme?
Pepe. Mas maganda kung ganito'ng suot mo … Nagmamadali ka ba?
Segunda. Hindi naman. Baka biglang dumating ang aking sundo—
Pepe. Huwag kang mag-alala. Di ito magtatagal.
(Aayusin ni Segunda ang kanyang suot at ang kanyang pagkakaupo. Nakatayong pupuwesto si Pepe sa harapan, at mag-uumpisa ng pag-guhit. Habang gumuguhit, wala siyang kibo.)
Segunda. Pepe … sino ba’ng katipan mo?
Pepe. Huwag ka sanang malikot, Segunda.
Segunda. Ni hindi ba ‘ko maaaring magsalita?
Pepe. Maaari. Huwag ka lang masyadong malikot.
(Isang sandali)
Segunda. Ang tanong ko sa iyo … sino ‘kakong katipan mo?
(Mapapatigil sandali si Pepe.)
Pepe. A, wala… Wala akong katipan.
Segunda. Bakit naman? Wala ka bang napupusuan sa mga kadalagahan?
Pepe. Ah, basta wala.
Segunda. Bakit nga?
Pepe. Pagkat ni minsan … di ko pinag-isipan na ako—sa hitsura kong ito—ay papansinin ng sino mang dilag …
Segunda. Bakit naman?
Pepe. Sino sa kanila—lalo na ang mga maririlag—ang papatol sa akin?
Segunda. Bakit naman napakababa ng pagtingin mo sa ‘yong sarili?
(Isang sandali)
Segunda. Kung gusto mo, Pepe … ihahanap kita—
Pepe. Ng ano?
Segunda. Ng isang magiging katipan mo. Ang dami ko yatang mga kaibigan na kay gaganda! Pihong isa sa kanila ay mapupusuan mo … at mapupusuan ka rin.
Pepe. Imposible! Mahirap mangyari! Ibahin nga natin ang usapan. Ikaw naman ang matanong ko. Mayroon ka bang … katipan?
(Matitigilan si Segunda at biglang lulungkot ang kanyang mukha.)
Segunda. Wala ka bang alam, Pepe?
Pepe. Na ano?
Segunda. Tungkol sa akin? Wala bang nababanggit sa’yo ang kapatid ko?
Pepe. Si Mariano? Wala.
Segunda. Magtapat ka sa ‘kin!
(Isang sandali)
Pepe. Minsan … mayroon siyang nabanggit sa akin … na may katipan ka na raw …
(Hindi sasagot si Segunda. Tatapusin niya ang ginagawa niyang papel na bulaklak.)
Pepe. At nalalapit na raw ang araw ng inyong… pag-iisang-dibdib. Totoo ba ito? At kailan ang kasal? Totoo ba na uuwi ka sa inyo sa Lipa ngayong bakasyon at di na muling babalik sa Maynila?
Segunda. Gusto ko sanang tumigil pa rito upang ipagpatuloy ang aking pag-aaral … ngunit ang mga magulang ko …
Pepe. Gusto nilang papagtaliin ang inyong dibdib? Pinipilit ka ba nila?
Segunda. Hindi naman. Bakit mo natanong iyan?
Pepe. Kung gayon, ikaw ang may kagustuhan nito?
(Magkikibit ng balikat ang dalagita.)
Segunda. Ang lagay ay … nakikinig lang ako sa mga nakakatanda sa ‘tin.
Pepe. Kailangan bang sundin ang mga magulang sa lahat ng panahon? At sa lahat ng bagay?
Segunda. Oo, sapagkat nakakatanda sila sa atin … at alam nila kung ano ang nararapat para sa atin.
Pepe. Maski na tungkol ito sa mga bagay na may kinalaman sa puso?
Segunda. Lalo na. Pagkakatiwalaan ko na muna sila bago ang aking sarili.
Pepe. Bakit?
Segunda. Maaaring mas tama sila pagkat di sila nabubulagan …
Pepe. At maaari ding magkamali sila, di ba?
Segunda. Maaari din …
Pepe. At malalaman mo ito—na tama ka at sila ay
Segunda. Ano pa nga ba ang magagawa ng isa kung tinalagang mangyari ang ganoon?
Pepe. Kailan ang uwi mo ngayong bakasyon?
Segunda. Sa Sabado. Isang grupo kami na magsasabay-sabay. Ikaw?
Pepe. Uuwi rin ako sa amin sa Calamba.
Segunda. Bakit di pa tayo magsabay-sabay? Ibababa ka namin sa Calamba. Kasya sa aming carromata ang isa pang katao.
Pepe. Naipangako ko kasi sa aking Mama na Biyernes ang uwi ko.
Segunda. Kung maaari din lang, bakit di mo gawing Sabado? Baka huli na ang Biyernes …
Pepe. Ano'ng ibig mong sabihin?
Segunda.
Pepe. Hayaan mo at titingnan ko.
(Iaabot ni Pepe kay Segunda ang larawan na ginuhit niya.)
Pepe. O, et o… Ipagpaumanhin mo
(Titingnan at kikipkipin ni Segunda ang larawan sa kanyang dibdib. Titingin siya kay Pepe nang walang patumangga.)
Segunda. Maraming salamat, Pepe.
(Bilang kapalit ng larawang iginuhit ni Pepe, kukunin ni Segunda ang sombrero na nakalapag sa damo, isusuksok ang papel na bulaklak sa banda, at iaabot ito kay Pepe. Magsasalita si Pepe, animo kausap niya ang bulaklak sa kanyang sombrero na hawak-hawak niya. Nakatitig siya sa bulaklak habang sinasabi ang sumusunod.)
Pepe. Alam mo ba, Segunda … na ikalulungkot ko nang labis … ikauulila ko … kung mangyaring … mawala ka … sa buhay ko? Ngayon pa namang… nagkakilala na tayo at … at …
Segunda. At ano, Pepe?
(Biglang tutugtog ang kampana ng simbahan bilang tanda ng agunyas. Mabubulabog ang mga kalapati at magliliparan sila sa bakuran ng escuela. Susundan ng kanilang mata ang mga naglipanang ibon.)
(Nakahanda nang lumikas si Segunda.)
Pepe. Segunda …
Segunda. Paalam na … Pepe. Paalam!
Pepe. Bakit paalam? Di ba magkikita pa tayo? Sa inyo sa Lipa … kung di man dito sa—
(Tatakbo ang dalagita na dala-dala ang lahat ng kanyang kagamitan.)
Pepe. (pahabol) Segunda!
(Titigil at lilingon si Segunda. Lalapit si Pepe kay Segunda.)
Segunda. Ano iyon, Pepe?
Pepe. Segunda …
Segunda. Magsalita ka, Pepe.
Pepe. Segunda …
Segunda. Pepe, nariyan ang sundo ko.
Pepe. Anong oras ang daan ninyo sa bukana ng Calamba?
Segunda. Marahil sa ganitong oras din.
Pepe. Baka abangan ko ang inyong carromata sa daan papuntang Lipa.
Segunda. Bakit pa? Sayang lang ang panahon mo! At … mabibigo … mabibigo lang siya …
Pepe. Sino?
Segunda. Ang iyong Mama.
(Biglang tatalikod at tatalilis si Segunda.) Susundan ng tingin ni Pepe ang dalagita.)
Pepe. Segunda!
. . .
Tinig ng Taga-salaysay:
Nagbakasakali siyang makita niya ang carromata na sakay sina Segunda at ng kanyang mga kaibigan.
Dumaan nga ang carromata ngunit mabilis ang takbo nito.
Malapit na ang sasakyan nang makita ni Pepe na sila na nga iyon.
Itataas ni Pepe ang kanyang kamay upang patigilin ang carromata, ngunit mabilis ang takbo ng kabayo at ng hilahilang carromata.
Makikita ng mga dalagita si Pepe nang nakalampas na ang carromata.
Inakala ng mga dalagita na kumakaway lang si Pepe, kaya kumaway sila at buong siglang sumigaw ng "Pepe! Pepe! Pepe!"
Makikita ang mukha ni Pepe na pagpugaran ng lungkot at kabiguan.
Hawak-hawak niya—sa kanyang kanang kamay na kumakaway pa rin—ang isang liham.
Gusto
(Makikita ang kalsada patungong Batangas. Sa malayo, ang binatilyo na sakay ng kanyang puting kabayo.)
Tinig ng Taga-salaysay:
Wala sa kaalaman ng binatilyong si Pepe—pati na rin ng dalagitang si Segunda—na ang pag-iibigan nila na sumilang at nag-usbong ay walang pag-asang lumabong at mamulaklak … sa kanilang maligalig na daigdig … at sa kanilang takdang panahon.
Saka lang nila malalaman ang katotohanan … na bago pa man napamahal si Pepe kay Segunda—at si Segunda kay Pepe—mayroon nang taglay na ibang minamahal si Pepe: Ang Inang Bayan.
Ang pinaka-una, ang pinakahuli, at ang pinakamatinding pag-ibig na mararanasan niya sa buong buhay niya, hanggang sa kanyang mga huling oras sa Bagumbayan: Ang pag-ibig sa Bayang Pilipinas.
Hindi nila alam ito noon.
At nang malaman nila ito, huli na ang lahat.
No comments:
Post a Comment